Tag Archives: Literacy in Action

XStart-up: Kung Paano Naging Arkitekto ng Disenyo ang mga Xaverian

Research. Ito ang salitang madaling sabihin at madalas iparatang sa kapwa bilang pantapal kapag nakikipagtalastasan online, ngunit sa totoo lang, hindi gaanong malawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa kasanayang ito. Marami pa rin ang nabibiktima ng misinformation at disinformation. Marami pa rin ang hindi sanay na kumilatis sa mga impormasyon na nababasa at napapanood sa internet.

Bagamat nakalatag ito sa iba’t ibang MELC’s (Most Essential Learning Competencies) ng iba’t ibang asignatura ng Kagawaran ng Edukasyon, kailangan pa ring mas paigtingin ang pagtuturo ng pananaliksik, kaakibat ang STEM na pinapahalagahan ang agham, teknolohiya, engineering, at matematika.  Hindi rin nakagugulat na bahagi rin ito ng Edukasyon sa Pagpapakatao. Ito’y dahil ang pananaliksik ay hindi lamang pagtuklas ng kaalaman, kundi pagtuklas din ng katotohanan. Taon-taong bahagi ng asignaturang Filipino sa Baitang 6 ng Paaralang Xavier ang pagpapakilala ng mga payak na elemento ng pananaliksik sa mga mag-aaral, ngunit iba ang pinaghuhugutan ngayon kung bakit itinuturo ito dahil kailangang labanan ang pandemya ng mali at pekeng impormasyon. Nang nagkaroon ng pandemya, hindi lamang virus ang kalaban.

Sa kabilang banda, kamakailan ay nanalasa ang Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao kaya napapanahon lamang na isama sa pagtuturo ng pananaliksik ang mga konsepto ng sustainability at stewardship sa mga mag-aaral.  Bilang tugon sa Laudato si’ mula sa Santo Papa, hinimok nito na baguhin ang kurikulum at ihanda ang mga mag-aaral na maging katiwala at tagapangalaga ng mundong ito.

Ginamit ang Design Thinking bilang estratehiya ng pananaliksik at pag-iisip ng solusyon, narito ang naging proseso sa aming mga aralin sa ikaanim na baitang sa Filipino:

Proseso ng Design Thinking

1. Panayam- Napanood ng mga mag-aaral ang panayam kay Nanay Elizabeth na biktima ng Bagyong Odette sa San Juan, Southern Leyte. Nasira ang kanyang bahay at maging mga bahay sa kanyang komunidad. Sinuri ng mga mag-aaral ang mga naging karanasan at kalagayan ng mga taong dinamayan nila.

2. Pagtalakay ng U.N. SDG’s o United Nations’ Sustainability Development Goals-Iniugnay ng mga mag-aaral ang karanasan ni Nanay Elizabeth sa mga pandaigdigang adhikain na nagsisilbing blueprint ng mga bansa upang makamit ang tinatawag na sustainability. Nakatulong ito sa mga mag-aaral upang makaisip ng mga ideya na makamit ang SDG’s kung saan hango ang design challenge na ibinigay sa klase. Halimbawa: “Paano magdisenyo ng mura pero typhoon-proof na bahay?”

 3. Pagsulat ng Empathy Map at Concept Map- Ginamit ang mga ito upang makakalap ng datos at mas mauunawaan ng mga mag-aaral ang karanasan, damdamin, at kaugalian ng mga tao na dumanas ng suliranin.

 4. Pakikinig sa Eksperto- Nakinig naman ang mga mag-aaral sa isang inhinyero na si Engr. Fatima Ang na nagpaliwanag tungkol sa disaster-resilient housing upang makatulong sa pag-iisip ng sarili nilang disenyo.

 5. Pagpapabuti ng disenyo kasama ang mga mentor na guro- Maliban sa palagiang gawain sa breakout rooms kung saan nagkaroon ng kolaborasyon at pag-uusap ang mga mag-aaral, minabuti ring mag-imbita ng ibang mga guro mula sa iba’t ibang kagawaran para magbigay ng payo at mga komento para mas mapahusay ang mga disenyo ng bahay ng bawat pangkat.

 6. Repleksyon at pagsulat ng papel-panukala- Mahalaga na mahusay nilang mabuo ang disenyo at masolusyunan ang design challenge na ibinigay, ngunit mas mahalaga pa rin ang nangyaring mabusising proseso ng kabuuan ng pananaliksik. Sa kanilang papel-panukala, nahasa ang kanilang kasanayan sa pagsusulat sa Filipino at pangangatwiran upang mapalitaw ang rationale ng kanilang naging disenyo. Isa pa ay nasanay sila sa paggamit ng mga ekspresyon sa pagpapahayag ng sariling pananaw at wastong gamit ng mga pangatnig sa paglalahad.

Mga Exemplar na Disenyo ng mga Mag-aaral:

(May kalayaan ang mga mag-aaral kung anong apps ang kanilang ginamit sa pagbuo ng sariling mga disenyo.)

Narito naman ang mga mahuhusay na halimbawa ng disenyo ng bahay mula sa iba’t ibang pangkat ng Baitang 6 sa ilalim ng pamatnubay nina G. Nico Fos at G. Roger Salvador, at sa pamumuno ni Gng. Joyce Imperio.

Naging susi ang kanilang mga aralin sa Science dahil nagamit nila ang kanilang kaalaman sa mga sakuna at paghahanda ng mga dapat gawin para rito. Mas napahusay ang kanilang pag-iisip ng ideya kung paano gawing typhoon-proof ang isang bahay. Nagamit din nila ang kanilang kaalaman sa simple machines bilang bahagi ng kanilang disenyo ng bahay. Isang halimbawa ay paggamit ng mga ramp upang maging inklusibo ito sa mga may kapansanan at matatanda tulad ni Nanay Elizabeth na naging sentro ng kanilang pananaliksik. Naglagay ang ilan sa kanila ng mga mekanismo na rust-proof upang maiwasan ang pagkakaroon ng kalawang sa mga materyales ng bahay.

Simple man o at limitado lang ang mga teknikal na aspekto ng kanilang ginawa, at hindi tuluyang magagamit ng komunidad, tiyak na napagsama nila ang kanilang mga kaalaman sa iba’t ibang asignatura at nagamit nila ang wikang Filipino sa isang akademiko at malalim na diskurso. Sa kanilang pagdanas sa proseso ng saliksik, naranasan nila ang pagtuklas ng kaalaman, katotohanan, at lalong-lalo na ang kabutihan para sa kapwa.

Advertisement

Paano ba ituro ang pananaliksik sa mga batang mag-aaral?

Kadalasan ay may stigma talaga na mababa ang pagtingin sa wikang Filipino. Pero naniniwala si Prop. Crizel Sicat-de Laza na kaya mababa ang pagtingin ng mga mag-aaral sa Filipino ay dahil may pulitika sa likod ng pagpili ng wika sa pananaliksik, “Sa pamamagitan ng pagpili ng wika sa pananaliksik, maiuugnay ang personal na aspirasiyon ng mga mag-aaral para sa bayan”. Kaya naman kailangan nating ituro ang pananaliksik kahit bata pa ang ating mga mag-aaral. Magpokus tayo sa paglinang ng mga makrong-kasanayan pang-literasi at paglinang ng 21st century skills upang sila’y maging kritikal at maging responsableng mamamayan. Sa paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik, nagiging mataas ang antas ng wika dahil maaari pala itong gamitin sa akademya o ng mga dalubhasa.

Bilang mga guro, minsan ay nasanay tayong mag-spoonfeed na lamang ng kaalaman. Ang isang bata ay natural na mausisa, ngunit unti-unti itong nawawala sa pagtanda bunga ng ganitong klase ng edukasyon. Mainam na himukin natin silang mag-isip, magtanong, at maging mausisa pa sa mura nilang edad sa pamamagitan ng pagtuturo ng pananaliksik. Maari rin nating i-replicate ito sa isang birtwal na kapaligiran!

Ang isang halimbawa ng dulog ng pagtuturo ng pananaliksik ay Design thinking, isang malikhaing proseso ng paghahanap ng solusyon sa isang suliranin na maaaring nakabatay sa UN Sustainable Development Goals. Sa aming paaralan ay nagkaroon ng Project-based Learning ngunit optional lamang dapat ito sa isang Online Distance Learning na pagtuturo sapagkat mahirap at masusing pagpaplano ang kinakailangan nito. Maaari nating gawin ay ituro ang mga basics at components ng pananaliksik gamit ang dulog na ito.

MGA HAKBANG SA DESIGN THINKING:

1. Empathize upang mas malaman kung ano ang pinakamahusay na suliranin, kapag nakiramdam, nakisangkot ka sa taong humaharap sa suliranin.

2. Define pangangalap ng datos at pagtukoy ng suliranin

A. Panayam sa mga naapektuhan ng suliranin

B. Persona technique– pagpasok ng panitikan sa pamamagitan ng pagbuo ng mga persona at naratibo ng mga totong taong nakararanas ng suliraning ito

C. Panitikan- maghanap ng mga tekstong sumasalamin sa tunay na mundo at mga suliranin nito. Pagtukoy sa problema HALIMBAWA: Ang langgam at tipaklong: PROBLEMA: food security, climate UN SDG’s: zero hunger, climate action, life on land

APPS: DAMANG DAMAP (empathy map) sa pages/microsoft word/google doc (*asynchronous activity)

Halimbawa ng isang Empathy Map sa Filipino

3. Ideate– (brainstorming) -pag-iisip ng mga solusyon
APPS: padlet, google jamboard, google search/ scholarly sites/ sariling online learning resource/library domain, google productivity tools(*Asynchronous activity/synchronous activity)

MGA POSIBLENG KATEGORYA NG MGA SOLUSYON:
-Paggawa ng imbensyon (invention)
-Pagpapalaganap ng impormasyon o adbokasiya (information or advocacy campaign)
-Pagbibigay serbisyo (call to action through service)
-Pilantropiya (Philantrophy)

Tseklist ng mga dapat isaalang-alang sa paggawa ng kanilang proyekto:
FEASIBLE- Kaya ba itong maipatupad?
EFFECTIVE- Kaya ba nitong lutasin ang suliranin?
EFFICIENT- Kaya ba itong gawin kahit limitado ang resources?


4. Prototype– subuking gawing konkreto ang mga naisip na ideya at gumawa ng isang prototype.

APPS: MAKERSPACE – mga bagay na makikita sa bahay
CANVA-graphic design art
Book Creator, Keynote, Google Productivity Tools- Work Curating

Habang nangyayari ang mga sesyong ito:

  1. Magbigay ng feedback at gabay sa mga mag-aaral habang nangyayari ang proyekto sa pamamagitan ng inyong LMS o maaaring sa conferences/consultation.

2. Magtalaga ng panahon sa mga mag-aaral na i-dokumento ang kanilang natutuhan at ginawa.

3. Kung ang kasanayan na ituturo ay ang pagsulat ng papel pananaliksik o talatang nangangatwiran, huwag na sobrang teknikal na ituro ang pananaliksik lalo na sa mga bata, bagkus ay mas bigyang pansin ang karanasan, pagtuklas at pagninilay sa ginawa at natutuhan.

5. Test– Maaaring magbigay ng feedback sa mga nagawa nilang proyekto, o magkaroon ng mga pagwawasto ng mga burador upang maging maayos ang kabuuan ng pananaliksik. Sa huli ng kanilang mga gawain ay magkaroon ng Pasalitang Pagsubok na kung saan ay magkaroon ng project pitching o kaya naman pagbabasa ng kanilang ginawang talata o papel pananaliksik upang mabasa ng ibang tao at maaaring maisakatuparan ito.
APPS: flipgrid, clips, imovie, Camera app/recording app

Mga Na-gets of wisdom sa pagtuturo ng pananaliksik online:

1. Easy-han lang sa simula. (start small! tulad ng inquiry-driven projects, mga sanaysay na nagangatwiran)
2. Maging mapagpasensya sa lahat ng pagkakataon. (sa deadlines, sa gawain, sa resources. sa sitwasyon)
3. Piliin ang mahalaga. (proseso ng pananaliksik, kasanayan, paksa, resources, pagtatayang gagawin)

“Bilang mga literacy workers, kailangan nating iangat ang antas ng mga kasanayang pang-literasi ng ating mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan at pagkakataon sa ating mga mag-aaral na magtanong, mag-usisa, at humanap ng mga solusyon upang maging mas makabuluhan ang pagtuturo ng pananaliksik.”

Mapapanood ang kabuuan ng panayam hinggil sa paksang ito dito.