Pagtuturo ng Filipino gamit ang KKK Framework: Kultura, Kabutihang-Asal, at Kasaysayan

Sa panahon ngayon ng impormasyon at kasagsagan ng pandemya, paano natin maihuhubog at maikintal sa ating mga mag-aaral ang identidad na Filipino nang sa gayon ay mamahalin nila hindi lamang ang wika, kundi ang pagiging Filipino?        

Ayon kay Sionil F. Jose, pambansang alagad ng sining sa panitikan, hindi sapat ang pagkanta lamang ng Pambansang awit, o pag-aalala kay rizal at mga bayani, dahil outward manifestations lamang ito. Kaya rin siguro kapag nagtuturo tayo ng Filipino, huwag lamang mga pakitang-tao o outward manifestations ang ating paraan. Halimbawa, imbes na magpagkanta lamang ng pambansang awit, magkaroon ng DEEP dive o malalim at makabuluhang pagsusuri at interkasyon sa nilalaman tulad ng mga pagninilay at pagsusuri sa nilalaman ng Pambansang Awit at ang kahalagahan nito sa ating kasaysayan at bansa.

Ano nga ba ang identidad na Filipino?

Ayon kay Prop. Xiao Chua- propesor at historiador, (isang napakagandang sanggunian para sa Filipino at Araling panlipunan ang Lahi.ph sa Youtube) imbento raw ang Filipino bilang isang nasyunal at pulitikal na konsepto. Bakit? Kung tutuusin, ang kamalayang Filipino ay nagmula sa  kolonyal. Ang salitang Filipino ay mula sa pangalan ni Haring Felipe na hari ng Espanya noong panahon na pinangalanan ang mga kapuluan ng Filipinas.

Sabi naman ni Jose Rizal, ang pagiging Filipino at nasyunalismo ay hindi batay sa dugo, o kulay ng balat dahil ang pagiging Filipino ay nasyon na tumutulong sa isa’t isa, nasyon ay may damdaming nasyunal, batay rin ito sa mga sinulat nila Rizal sa kanyang mga nobela at mga propagandista na bahagi ng la liga Filipina.

Ayon naman kay Andres Bonifacio na isinulat nila Jacinto sa Kartilya ng Katipunan, ang pagiging Filipino ay pagbibigay halaga sa pagkakaisa ng puso at damdamin ng lahat at pagwasak ng kamangmangan, may hustisya at kaliwanagan ang sambayanan

Paano natin ituro ang identidad na Filipino sa ating mga mag-aaral?

Sa ganitong mga pananaw, mas malalim ang pag-unawa at pagyakap natin sa ating pagiging Filipino. Kaya naman bilang mga guro sa Filipino, tayo ang magmumulat, magkikintal, magpatutuklas ng identidad ng pagiging Filipino ng ating mga mag-aaral. Gamit ang KKK Framework, maaari itong sandigan at angkla ng mga guro upang maging makabuluhan at maka-Filipino ang ating mga kurikulum at lalo na ang ating school culture.

Narito ang ilan sa mga output ng mga mag-aaral sa Filipino na sumailalim sa yunit na ito:

Baguhin na natinang pagtanaw sa asignaturang Filipino bilang asignatura lamang, o wika ng mga tagalog. Sa pagtuturo ng Filipino, tayo ay may:

A. Ginagampanan na papel na isa sa mga tagataguyod ng kultura at damdaming nasyunal nag Filipino

B. Nagpatitibay ng mga pundasyon ng pagkakaisa, lohika, hustisya at kaliwanagan sa bayan

C.Nagpauunawang mga pagdurusa- hindi lamang ang pag-sensationalize at romanticize ng resilience at pagdurusa, kundi pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip, accountability sa mga namumuno sa atin, at sa ating mga sarili, at paghahanap ng kaginhawaan sa lahat.

Maraming salamat sa pagbasa ng blog na ito at mabuhay ang gurong Filipino!

Para sa kabuuang webinar tungkol rito, panoorin po ito mula sa REX Bookstore FB Page

Advertisement