Nakasalalay sa pagbuo ng mga epektibong pagtataya ang pagbibigay buhay natin sa mga mahusay at mabisang aralin. Planado rin dapat ang mga kaakibat na mga gawain na susubok sa pag-unawa ng iba’t ibang uri ng mag-aaral. Sa ilalim ng new normal, mahalaga pa ring mapalalim ang pag-unawa natin sa konteksto ng mga mag-aaral, mabigyan sila ng pagkakataon na maging mga taga-taguyod at tagahabi ng kanilang pagkatuto at kung paano nila ito maipakita sa kanilang sariling paraan.
Sa pamamagitan ng online distance learning , maaari tayong gumawa ng mga accessible at conducive na mga espasyo ng pampagkatuto kung saan mayroong pagkakataon na maging interaktibo sa guro at sa iba pang mga mag-aaral, mayroong pagkakataon na makatanggap at makapagbigay ng konstruktibong puna at pagpasok ng mga awtentikong pagtataya na hahasa sa ating mga mag-aaral upang maging handa sa pagpasok sa Fourth Industrial Revolution at new normal.
Paano ba natin gagawin ang pagtataya sa isang online na pagtuturo? Mayroong isang mahusay na dayagram galing sa isang propesor ng Concept-Based Curriculum at Educational Technology mula sa Unibersidad ng Hong Kong na si Jennifer Chang Wathall:

1. Diagnostic Test– Mabuting isipin muna ang mga pagtataya at learning outcomes bago bumuo ng mga gawain upang sa gayon ay malaman kung ano ang kasalukuyang lebel ng mga mag-aaral at kung saan sila nanggagaling. Mas makaiisip tayo kung anong maaari nating gawin upang matugunan at matulungan sila sa kanilang pag-aaral.
2. Formative assessment– Sa ating aralin ay lagi nating i-tsek ng pag-unawa (checking for understanding) ng ating mga mag-aaral upang malaman natin kung may natutuhan ba sila sa aralin. Maaaring gawing synchronous o sabayan ang gawain ng pagtataya at asynchronous activities o maaaring gawin nila sa sarili nilang oras at panahon ng kanilang paggawa. Sa pagtataya sa isang birtwal na kapaligiran ay kailangang may espasyo para sa feedback at interaksyon ng guro at mga mag-aaral. (Para sa mga apps at tech tools na susuporta sa pagtataya, tumungo lamang sa https://www.nwea.org/blog/2019/75-digital-tools-apps-teachers-use-to-support-classroom-formative-assessment/.)
Paano natin masisiguro na may natutuhan talaga ang ating mga mag-aaral? Sanayin natin sila sa pagkakaroon ng mga routines ng pagpapalabas ng kanilang visible thinking. Ang layunin ng visible thinking ay gawing bukas at malay, at intensyonal ang proseso ng pagkatuto. Ginagawa nitong kongkreto ang pagkatuto at nakatutulong din ito upang maging sanay at komportable ang ating mga mag-aaral sa pagbahagi ng kanilang mga natutuhan at mga ideya sa masusi at makabuluhang paraan.
Para sa iba pang mga halimbawa ng VTR, tumungo lamang sa mga ito: https://www.hollyclark.org/2020/03/15/visible-thinking-routines-for-remotelearning/ at https://www.deepdesignthinking.com/visible-thinking-routines
Sa isang online na pagtuturo, laging pakatandaan: MASLOW muna bago BLOOM. Ibig sabihin, siguraduhin muna ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral, pati na ang kakayahan na magawa ang mga pagsasanay at pagtataya. Bago natin subukin ang kanilang pagkatuto mula sa mga kasanayan sa ilalim ng Bloom’s Taxonomy, tiyakin muna natin na hindi sila lugi sa ibang mag-aaral pagdating sa Heirarchy of Needs ni Maslow. Sila ba ay may kakayang gawing prioridad ang edukasyon bilang bahagi ng mga pangunahing pangangailangan? May kakayahang mag-online at may devices sa bahay? May mga magulang o may adult ba na susuporta ba sa kanila sa ganitong setup? Sa totoo lang, bago pa man tayo humantong sa pandemyang ito, ganito na ang tagpo ng edukasyon sa ating bansa.
Kaya naman bilang mga guro, magkaroon tayo ng sapat na pag-unawa at flexibility sa pagbuo ng ating mga pagtataya na maaaring magawa at masanay pa rin ng kahit sinong mga mag-aaral. Sa panahon ngayon, bigyan natin ng halaga ang mga pormatibong pagsasanay kaysa sa mga lagumang pagtataya, dahil mas mainam ang malimit na pagsasanay ng mga kasanayan, ngunit hitik naman sa pagkatuto upang mabigyan ng sapat na datos ang mga guro upang mapabuti ang pagtuturo at pag-aaral ng mga mag-aaral.
3. Summative Assessment- Kung nais nating magkaroon ng lagumang pagtataya, huwag nating isama lahat ng paksa at kasanayan na natutuhan sa buong taong panuruan o markahan. Mas mainam na pumili tayo ng mga pinakaesensyal na competencies na gagawan natin ng awtentikong pagtataya at pasok dapat ang mga mas mataas na antas ng Bloom’s Taxonomy upang makamit din ang mas mataas na antas ng pagkatuto o HOTS (higher order thinking skills). Magkaroon ng aplikasyon sa mga nangyayari sa tunay na mundo, bilang mga mag-aaral ay maaari silang maka-isip at makagawa ng mga solusyon sa mga suliranin ng lipunan. Bukod pa riyan, ang mga pagtatayang nakabatay lamang sa mga mababang antas ng Bloom’s Taxonomy tulad ng pagkakabisa at pag-unawa ng mga payak na konsepto ay maaaring magbigay ng pagkakataon ng academic dishonesty dahil pwedeng i-search na lamang ang sagot sa internet. Ito ang nararapat na layunin ng edukasyon, hindi lamang ang pagkabisa at pagkatuto ng mga kaalaman, kundi kung paano nila magagamit sa tunay na buhay ang mga natutuhan nila.

Kaakibat ng ating pagbuo ng mga awtentikong pagtataya ay ang paghabi ng mahusay na rubrics upang maging kasangkapan natin sa paghatid ng feedback sa ating mga mag-aaral. Mapalad akong magkaroon ng isang kaibigan at partner sa trabaho nagpaunlak ng kanyang expertise tungkol sa mga uri ng rubrics at gabay sa pagbuo nito. Narito ang kanyang presentasyon at maaari itong i-download at pag-aralan, pumunta sa link na ito: https://drive.google.com/file/d/1m_o9kdROZ6TA_fnR4g6WvGdiz4qlRXWg/view?usp=sharing.
Sa paggawa ng ating rubrics, lagi nating isipin ang mindset ng isang kampeon na si Michael Jordan ng Chicago Bulls. Ika-nga ni Jordan sa midya na palaging umaaligid at nangungulit sa kanya upang hingan siya ng pahayag, para sila ay tumigil sabi niya na lang na, “I won’t talk, but I will let my game do the talking.” Ganoon rin dapat tayo sa rubrics ng ating mga pagtataya: ipakita natin na malinaw at mahusay ang pagkabuo na rubrics para ito na mismo ang magpaliwanag para sa iyo at maiiwasan ang pagkuwestiyon ng validity ng iyong pagsubok. Hindi ko sinasabing huwag tayong sumagot sa mga tanong nila, mabuti na magbigay pa rin tayo ng feedback sa ating mga estudyante, ngunit ang isang mabisang rubrics ay kailangang may nilalaman ng mga mahahalagang kasanayan, may malinaw na pamantayan, nakatulong sa consistent na pagmamarka, at higit sa lahat, makatulong sa ating mga mag-aaral at mga guro na mapabuti ang kalidad ng ating mga pagtataya, ganoon na rin sa kanilang pagkatuto.
Kung ang ating mga awtentikong pagtataya ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na pumili ng paraan kung paano nila ipakikita ang kanilang natutuhan, tiyak na masisiguro natin na awtentiko rin ang pagkatuto. Sa tuwing lilikha sila ng isang sining o panitikan tulad ng tula, awit, rap, o memes man, kailangan ng paninindigan na kaakibat sa sining. Sabi nga ng isang batikang manunulat na si Lualhati Bautista, ang paninindigan ay dapat katawanin ng kanyang sining. Magkakaroon lamang ng kabuluhan at silbi ang ating mga pagtataya at gawain kung mayroon rin itong paninindigan.
Maraming salamat sa pagbabasa ng blog na ito. Nawa’y nakatulong po ito sa inyong pagbuo ng mga sariling pagtataya at huwag kalimutan pong ang tanging instrumento upang maging matagumpay ang pagtataya ay ikaw mismo, bilang guro. Alagaan po ninyo ang inyong mga sarili at mabuhay kayo! Padayon!
Mga Sanggunian:
Almario, A. at Austria, R. 2020. 8 Principles in Designing Authentic Online Assessments . Kinuha sa https://drive.google.com/file/d/1FMno60tfYNbBKvDEUAG1ZAyeBBVVAzNB/view?fbclid=IwAR1piNjlkdNW6o91eLgLkk1zkRnMq5Dy7vpyjg088FsUl2hAkqv8Gtsu2sw
Doucet, A., Netolicky, D., Timmers, K., at Tuscano, F. Thinking about Pedagogy in an Unfolding Pandemic. Nakuha mula sa https://francisjimtuscano.com/2020/04/13/independent-report-to-unesco-ei-thinking-about-pedagogy-in-an-unfolding-pandemic/
Miller, A. 2020. Formative Assessment in Distance Learning. Kinuha sa https://www.edutopia.org/article/formative-assessment-distance-learning
Miller, A. 2020. Summative Assessment in Distance Learning. Kinuha sa https://www.edutopia.org/article/summative-assessment-distance-learning
Mariin kong iminumungkahi na basahin ng maraming gurong Pilipino hindi lamang ng mga guro sa Filipino ang artikulong ito sapagkat nasaling nito ng tunay na pangangailngan tungo sa matiwasay, patas, makabata, at makabayang dulog sa pagsipat at pagsasakatuparan sa edukasyon sa panahon ng pandemya at sa habang panahon.
#SURI
#ILAW NG TRAPIKO
#COMPASS POINTS
LikeLiked by 1 person
Maraming Salamat po Sir! sa pagbabahagi ng inyong kaalaman tungkol sa kung paano ba dapat gawin ang mga pagtataya sa ilalim ng “new normal”?
LikeLiked by 1 person