Dulot ng “new normal”, marami sa mga guro ng wika at panitikan (Ingles man o Filipino) ay naguguluhan kung anong makro-kasanayan sa literasi ba ang dapat linangin. Sabi ng awtor na si Richard Vaca ng librong Content Area Reading: Literacy and Learning Across the Curriculum, sa paglaki at pagtanda raw ng mga kabataan sa ika-21 na siglo, mas mataas na antas pa ng kasanayan sa pagbasa at pagsulat ang kinakailangan upang maging mahusay sila sa kanilang mga trabaho. maging mabuting mamamayan, at maging matagumpay sa pakikipagbuno sa realidad ng buhay.
Ang tanong, paano natin malilinang ang mga kasanayang pagbasa at pagsulat sa isang birtwal na kapaligiran?
Magsimula tayo sa mahusay na pagpili ng mga panitikan na ating pinababasa. Kung mayroon tayong mga pagkakataon ng mga synergized at tematikong yunit, subuking pumili ng mga tekstong akma sa inyong tema. Mainam naman na paigtingin din ang paglikha ng malay bilang Filipino sa pamamagitan ng paggamit ng mga teksto at panitikang hitik sa kulturang pinoy at may lokal na kulay tulad ng mga kuwentong bayan at kuwentong katutubo. Isa rin sa mahusay na uri ng panitikan ay ang mga napapanahon at sumasalamin sa ating lipunan. Bukod sa paglinang ng kasanayan at pagmamahal sa pagbasa ay pumili ng mga panitikang nakakapaglinang ng empathy at emotional quotient ng ating mga mag-aaral.
Sa pagtatangkang gawing interaktibo at mabisa ang ating pagtuturo ng pagbasa at pagsulat ay maaari nating gamitin ang dulog na 7 Keys to Comprehension ni Susan Zimmermann at Chryse Hutchins. Sinusulong nito ang simple at mga praktikal na mga istratehiya na tumutugon sa mga core skills ng pagbasa at pag-unawa nang sa gayon ay hindi lamang maunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang binabasa, kundi mamahalin na rin ang pagbabasa.
1. Pagpukaw ng iskema o background knowledge– Dahil dito, nagkakaroon ng interes sa pagbabasa at maitatahi ng mambabasa ang mga makabuluhang koneksyon ng binabasa sa sarili, sa ibang teksto, sa lipunan, at sa mundo. Maaari tayong gumawa ng mga questioning models at graphic organizers sa pagpapalitaw ng mga koneksyon at paglinang na rin ng higher order thinking skills. Isang halimbawa nito ang SURI questioning model:

2. Pagbuo ng mga imahe– Mahalaga ang pagbuo ng mga imahe sa isipan habang nagbabasa upang maging kongkreto at mailarawan nila ang kanilang binabasa na unang hakbang sa pag-unawa. Maaaring gumamit ng 5 pandama sa pagbuo ng mga imahe na isusulat at ilalarawan ng mga mag-aaral sa isang graphic organizer (tingnan ang halimbawa ng empathy map sa ikalawang hakbang: https://nicofos.com/2020/05/27/paano-ba-ituro-ang-pananaliksik-sa-mga-batang-mag-aaral/) o sa mga tech tools na tulad ng Google Jamboard, Padlet, Trading Cards @readwritethink.org.
3. Pagtatanong – Bakas sa isang mahusay na mambabasa ang kasanayan sa pagsasagot at pagbuo ng mga makabuluhang tanong at maaari itong buuin bago magbasa, habang nagbabasa, at pagkatapos magbasa. Sa pagsasagot at pagbubuo ng mga tanong ay maaaring gawing batayan ang mga lebel ng pag-unawa upang maging holistic ang pag-unawa: 1. literal, interpretatibo, kritikal at analitikal)
Ang pagtala ng mga ideya at pagbubuo ng mga tanong ay maaaring sanayin ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng online journaling gamit ang apps tulad ng Seesaw: https://app.seesaw.me/activities/profile/oz4jcm/jerome-c-jaime
4. Paghihinuha– Gamit ang iskema at mga nabasa sa paghahanap ng kahulugan, konklusyon, prediksyon, at mga interpretasyon upang mapalalim ang pag-unawa sa kuwento. Maraming mga tech tools ang sumusuporta rito upang maging interaktibo at may lalim ang pagbabasa. Halimbawa ng mga apps na ito: EdPuzzle, Nearpod, at Google slides with Pear Deck.
5. Pagtukoy ng mahahalagang ideya at tema– Isang marka ng epektibong pagbabasa ang pagtukoy ng mga mahahalagang ideya at pagpukol sa tema ng teksto. Maaaring ituro ang paghihimay ng mga mahahalagang impormasyon at bahagi sa teksto mula sa hindi gaanong mahalaga at mga sumusuportang detalye lamang. Sa pamamagitan ng modelling at mga guided activities gamit ang mga ibibigay natin na templates at graphics organizers sa ating mga mag-aaral, tiyak nating malilinang ang kanyang kakayahan ng pag-unawang ito. Halimbawa: Paghimay ng MGA PANGUNAHING IDEYA at SUMUSUPORTANG DETALYE.
6. Pagbubuo ng sintesis– Ang pagbabasa ay isang uri ng paglalakbay, kung saan ay maraming mararanasan at ang isipan at damdamin ng mambabasa ay maaaring magbago habang nangyayari ito. Kaya naman dapat nating gabayan ang mga mag-aaral sa pagbuo ng sariling sintesis upang kanilang maaangkin ang sarili nilang pag-unawa at kahulugan sa binabasa—sa huli ay kanilang masasagot ang tanong na: Bakit ko nga ba ito binabasa? Para saan ba ito?
Mabuting isakonteksto ang pagtuturo ng pagbuo ng sintesis. Kapag bata pa ang mga mambabasa ay magsimula muna sa mga payak na pagbubuod ng kuwento at sa mga mas matanda na ay ang magpokus sa pagsasakahulugan ng binabasa at pagbibigay saysay kung bakit ito binabasa.
7. Paggamit ng fix-up strategies– Sa pagtuturo ng pagbabasa, palagi nating isipin na may kanya-kanyang lebel na ng pag-unawa ang mga mag-aaral; may mga mabibilis magbasa at mag-unawa, mayroong katamtaman lamang, at mayroon namang kailangan ng masusing paggabay at tulong upang maging matagumpay sa pagbabasa. Kaya naman mabuti na ating ituro ang iba’t ibang fix-up strategies sa ating mga mag-aaral sa isang birtwal na kapaligiran. Mga halimbawa nito ay:
A. Synchronous activities o sabayang gawain: 1) sabayang pagbasa sa isang video conference 2) pagkakaroon ng live Q&A habang at pagkatapos magbasa 3) lit circles sa Filipino upang magkaroon ng makabuluhang diskusyon at mapalalim ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa binabasang teksto.
*Maaaring i-download, gamitin, at paghugutan ng inspirasyon ang aking ginawang lit circle: https://drive.google.com/drive/u/0/folders/18WnMvsqwRIRYhUvvWsqikKojhoR-DOvw
B. Asynchronous activities o mag-isang gawain: 1) pagkakaroon ng angkop na resources at online/offline na diksyunaryo bilang reading resource 2) muling pagbasa at pagsasanay sa mga iba’t ibang bilis ng pagbasa tulad ng mabagal, at paghihinto hinto sa bawat bahagi, at iba pa 3) pagkakaroon ng support feature sa mga mambabasa sa pamamagitan ng paglalaan ng mga reading discussion forums na hindi kailangan maging pormal at bahagi ng aralin upang magkaroon sila ng komunidad ng mambabasa.
Isa sa mga napakahusay na app/tech tool upang malinang ang pagbasa at pag-unawa ay ang interaktibong digital library na Buribooks. Tahing-tahi nito ang 7 Keys to Comprehension sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga features tulad ng built-in na diksyunaryo, embedded questions, annotating tools, at iba pa. Tumungo lamang sa kanilang website para sa karagdagang impormasyon: www.buribooks.com.

Hindi ito isang bibliya at ang nag-iisang batayan sa pagtuturo ng pagbasa, dahil ang pagtuturo ay isang personal na proseso. Kanya-kanya tayo ng diskarte, ngunit ang hindi mapapalitan ng teknolohiya at mga dulog na ito ay tayo mismong mga guro. Batid sa hirap ng ating sitwasyon ay magkaroon tayo ng pananaw ng kakayahang umunlad (growth mindset) at kakayahang umangkop (flexibility) para maging matagumpay tayo sa pagtuturo ng Filipino sa kahit anumang modality of learning. Sana rin ay kahit sinong guro sa iba’t ibang larang ay maging guro rin ng pagbasa, sapagkat ang pagbasa at pag-unawa ay ang building block ng literasi na maghahanda sa ating mga mag-aaral sa anumang landas na kanilang tatahakin.
Saludo sa mga guro sa/ng Filipino, pati na rin ang mga Pilipinong guro dahil tayo rin ay mga literacy frontliners!
Sanggunian:
Adler, C.R. 2012. Seven Strategies to Teach Students Text Comprehension. Nakuha mula sa https://www.readingrockets.org/article/seven-strategies-teach-students-text-comprehension.
Villafuerte, P. 2020. Epektibong Pagtuturo. Nakuha mula sa https://www.pressreader.com/philippines/liwayway/20200316/282462826049332.
Zimmermann, S. 2011. Teaching with the 7 Keys to Comprehension. Nakuha mula sa https://files.ernweb.com/7keyshandout.pdf.