Bilang teacher fellow, minsan naiisip ko na ang paglaan ng 2 years ng buhay sa pagtuturo ay isang maladakilang kaburgisan. Pero sabi nga nila, di man nakakayaman ang pagtuturo, rewarding naman kung matuto ang mga bata. “Fulfillment, passion, advocacy, compassion.” Yan ang iilan-iilang katagang madalas na bukambibig ng mga gurong dakila. Favorite ko yung passion, lol. Ngunit sa kabila ng passion na yan, katamisan at pagkabusog ng kaluluwa sa bokasyon, maraming pagkakataon na napapamura nalang ako sa sarili at nagtatanong, bakit ko ba ginagawa ito? Para kanino ba tong kalintikan nato? Bakit hindi nila ma-appreciate ang ginagawa ko? San ba ko huhugot ng lakas?
Oh diba? Anlalim ng hugot, parang archeologist lang. Kasi ba naman, ang enerhiya, pasensya at panahon ay parang chalk na lumiliit at nalalagas habang ginagamit; inuubos at sinasakripisyo ang sarili upang mapunan lang ang iba. Minsan nababali, minsan nawawala, minsan nadudurog o kaya naman nilalampastangan ng iba. Pero, okay lang kasi kasama kami sa pagsulat at pagguhit ng kanilang future, ika-nga. Para sa mga bata to eh, hindi to sa akin. Pucha, parang ang selfless at heroic diba? Pero hindi. Tao lang din kaming mga guro. Minsan selfish. Minsan antagonist. Minsan nagkakamali. Minsan nagsasawa. Pero oks lang, basta may nakikita kaming kahit katiting na pagbabago. Sarap pala talagang maging guro!
De baleng bwisit sa bulok na sistema, sa katrabahong atribida, o “suffocating” na aspects ng work (literally at figuratively), basta hahamakin ang lahat; maitatak lang sa mga bunbunan at sentido ng mga batang ito na kaya nilang abutin ang kanilang pangarap. Maipadama sa kanila na mahal namin sila. ( kahit nakakasuka ang ugali nila minsan!) Tama nga ang isang sikat na American philosopher na si Katy Perry. Sabi niya, “I will love you, unconditionally”. Unconditional, mga tsong. Bigat! Seriously, idealistic ito pero hindi imposible. Tsaka, maiukit din sa kanilang mga puso na ang pagbabasa ay mahalaga. Mapukaw ang kanilang interes sa pag-aaral at mahalin ang pagkatuto para sa kasaganahan ng buhay. Maitanim sa kanilang pagkatao ang Pagkapilipino. Lunukin nila ang pamana ng lahi nang buong-buo. Mahalin ang inang bayan! Higit sa lahat, maigabay din ang kanilang mga marurupok na pag-uugali sa tamang daan. Ah basta, naubusan nako ng mga pa-deep na thoughts, jargons, at metapora. Basta gets niyo na yun. haha!
Kaya magkukuwento nalang ako ng isang di ko makakalimutang araw sa school. Napag-usapan namin ng mga kids ang nagyaring bakbakan sa Mamasapano na kumitil ng 44 na miyembro ng SAF. Sa murang edad, naintindihan nila ang kahalagahan ng kapayapaan at hustisya. Sa bandang huli, pinapili ko sila sa dalawa: peace talk o all-out-war? Ito yung best answers na narinig ko. Sabi ng mga nagboto ng peace talks;
1)Pilipino pa rin sila.
2)kung madadaan naman sa mas maayos at mapayapang paraan, yun nalang para wala nang mamatay.
Sabi naman ng gustong mag-all-out-war;
1)hinahayaan lang natin silang pumatay ng pumatay.
2)kapag hanggang usap lang, binibigyan lang natin sila ng chance na gawin ulit.
Tinapos ko ang aming bangayan sa isang activity. Nagdaos kami ng 44-second salute in total silence, habang nakaharap sa blackboard na may guhit flag ng Pilipinas na may bold letters ng SAF na nakasulat sa baba nito. Dun namin naranasan ang sinasabi ni Shakespeare na, “The silence was deafening”. Lintik! Nakakakilabot! Glorious! Amazing! Nalunod kami sa karagatan ng patriotismo at pagdadalamhati sa puntong nangingiyak-ngiyak na ang iba.
Mga tsong, hindi suntok sa buwan ang pagkilatis ng mga kanser ng lipunan, tulad ng educational inequity o kaya peace. Magsimula tayo sa sarili at kung saan man tayo naroroon. Kahit bata pa sila, Sinimulan iyon ng mga bata ko sa classroom.
Mabuhay ang Pilipinas!